Categories
Guide Trendrod Box

Mga pagbabago sa Radyo5, One PH at TV5 simula sa Lunes

Simula ngayong Oktubre 5, maraming pagbabago ang magaganap sa Radyo5 92.3 News FM at sa One PH sa Cignal channel 1.

Kasabay ng pagpapasok ng buwan ng Oktubre, ilulunsad ng Kapatid network sa radyo at telebisyon ang mga bagong news, commentary, at public affairs programs nito.

Ang unang sasahimpapawid sa Lunes ay ang bagong morning radio program nina Mon Gualvez at Laila Chikadora Pangilinan na “Bagong Gawi“. Ito ay mapapakinggan sa Radyo5 sa ganap na alas-kuwatro hanggang alas-sais ng umaga.

Susundan naman ito ng pinag-uusapang pagbabalik sa radyo ng tambalang DJ Chacha at Ted Failon sa programang “Ted Failon at DJ Chacha sa Radyo5“. Sa ginanap na media conference kamakailan, ibinahagi na ng dalawa ang ilan sa mga magiging format ng nasabing palabas. Kasama rito ang nakagawaiang balitaan at komentaryo, na sasamahan pa ng musika at mga palaro. Ito ay mapapakinggan sa News FM simula alas-6 hanggang alas-10 ng umaga. Samantala, simulcast naman ito sa TV5 simula 6-7:30 n.u. at One PH simula 6-8 n.u.

Simula rin sa Lunes, mas pinahaba na ang “Idol in Action” sa TV5 at One PH ni Raffy Tulfo. Makakasama niya pa rin dito sina Marga Vargas at MJ Marfori.

Sa ganap na alas-dose ng tanghali naman, makakasalo na sa pananghalian ang bagong “One Balita Pilipinas (noontime)” kasama na si Cheryl Cosim. Ito ay mananatiling naka-simulcast sa One PH, TV5, at Radyo5.

Sa One PH, mapapanood na ang bagong programang “Feelings” nina Dr. Rica Cruz at Stanley Chi mula alas-12:30 hanggang alas-2 n.h. Mananatili naman sa Radyo5 ang “Relasyon” nina Dean Mel Sta. Maria at Gladys Lana-Lucas.

Ang primetime edition ng One Balita ay lilipat na sa mas pinaagang oras na 5:30p.m. Makakasama na rin sa gabihang pagbabalita ang batikang mamahayag na si Jay Taruc. Eksklusibo itong mapapanood sa One PH.

Simula sa ganap na alas-6 ng gabi, mas pinahaba na rin ang paghimay sa mga isyu sa nagdaang araw sa “Sa Totoo Lang“. Nagpaalam na rin si Cheryl Cosim sa Oktubre 2 na edisyon ng nasabing programa. Papalit sa kanya simula sa Lunes ay sina Marga Vargas, MJ Marfori, at mga ekspertong tatawaging ‘hebigats’ dahil sa kanilang bigating kontribusyon o kaalaman sa kanilang field.

Bahagi ng rigodong ito ang paglulunsad ng bagong flagship newscast ng TV5 na “Frontline Pilipinas“. Sama-sama na sa nasabing balitaan sina Cheryl Cosim, Raffy Tulfo, Ed Lingao, Lourd de Veyra, at TV5 First Vice President for News and Information na si Luchi Cruz-Valdes. Ito ay mapapanood sa channel 5 tuwing 6:30p.m. at 8:00p.m. naman sa One PH.

Ang “BolJak” nina Atty. Jess Falcis, Atty. Bruce Rivera, at Maeanne Los Baños ay lilipat na sa primetime. Ang ‘boljakan’ ay mangyayari na tuwing alas-7 hanggang alas-9 ng gabi. Eksklusibo na lamang itong mapapakinggan sa Radyo5 92.3 News FM. Ito rin ang mangyayari sa “Cristy FerMinute” (tuwing alas-kuwatro ng hapon) at, gaya ng nabanggit, “Relasyon”.

Ang mga pagbabagong ito ay hudyat ng muling pagsiklab ng kompetisyon mula sa bakod ng Kapatid network. Ito rin ay ang simula ng mas marami pang programang ilulunsad sa TV5 sa mga susunod na linggo.

Ang Radyo5 ay mapapakinggan sa 92.3 FM sa Metro Manila. Samantala, ang One PH naman ay napapanood sa Cignal channel 1 at naka-test broadcast din ito sa digital TV.

Leave a comment